Ano ba talaga ang ibig sabihin ng totoong pagbabago? Nabubuhay tayo sa isang mundo na araw-araw nating napapanood sa mga balita ang mga nakahandusay na katawang wala nang hininga—nababalutan ng itim na garbage bag at plaster; ng kaliwa’t kanang ligalig sa pulitika; kahirapan; digmaan at marami pang iba. Napakadaling sabihing kailangan natin ng pagbabago—ng totoong pagbabago. Ang totoong pagbabago ay ang pagkain sa mga tiyan ng mga mahihirap nating kapwa kabataan. Tayo ang magbubunsod ng totoong pagbabago—hindi isang indibidwal o bagani. Ang totoong pagbabago ay ang pag-alam sa ating mga sarili at ating kapaligiran at gawin itong mas maayos at mas mabuti. Ang totoong pagbabago ay hindi ang paghihintay kundi ang paglikha ng sarili nating tadhana.
Pero sino ang gagawa nito? Lahat ay may kakayanan ngunit tayong mga kabataan ang may pinaka-interes na baguhin ang lipunan—dahil tayo ang magmamana nito. Ikaw, iyang katabi mo, yung grupo ng mga Iskolar diyan, iyong mga artista ng bayan at iyang mga magigiting nating mga boluntir na nagtaguyod nitong buong aktibidad. Tayo ang pagbabago. Kahit na sino ka pa. Kahit na nakatira ka sa isang apartment sa isang siyudad o sa isang malayong baryo na milya-milya ang binibilang bago makarating sa kapitbahay. Tayo ang pagbabago. Gusto mo man maging isang doctor, abogado, agriculturist, guro, magsasaka. Kung nakapasok ka man sa kolehiyo o hindi. Si Lester Barientos, halimbawa, pinili niyang hindi na tapusin ang kanyang pag-aaral dahil sa kahirapan ng kaniyang pamilya. Pinili niyang gamitin ang kanyang kakayanan sa pag-arte para turuan ang mga kabataang umarte kasama ng sambayanang higit niyang mahal. Anu man ang iyong edad, kasarian, bakgrawnd, plano sa hinaharap, tingnan natin ang ating paligid at gawin itong mas mabuti. Lahat ng tao ay may kakayanan para sa pagbabago pero tayo, mga kabataan at delegado ng Southern Taglog Youth Parliament, handang tanggapin ang hamon ng totoong pagbabago.
Saan natin ito gagawin? Ang pinakasimple at pinakamadaling sagot ay kahit saan. Subalit sobrang masaklaw ito at kailangan nating maging mas espesipiko. Ang totoong pagbabago ay magagawa natin sa mga lugar na dapat itama ang mga mali. Sa paglubog sa piling mga kapatid nating mahihirap. Kailangan ang pagbabago sa lugar kung saan ang milyong mga kababayan natin ang walang matatawag na sarili nilang tahanan. Kailangan ito sa ating mga komunidad, eskwelahan, pagawaan at hanggang sa mga kanayunan. Kailangan ng pagbabago kung saan may pighati at pagdurusa ang mga mamamayan. Sa ating mga komunidad kung nasaan ang mga kabataan—kung saan isa sa bawat tatlo ay hindi na nakakatuntong sa kolehiyo. Isa sa bawat tatlo. Sino sa kaibigan mo ang ganito ang sitwasyon? Sa mga kapitbahay mo? Ang totoong pagbabago ay pinakakailangan sa mga lugar kung saan kailangang itama ang mga mali.
Pero bakit? Bakit kailangan ng pagbabago? Dahil nananatiling nalulubog sa kahirapan ang pinakamaraming bilang ng mga kababayan natin. At tayo, mga kabataan, ay punung-puno ng lakas at determinasyon para iahon ang mga mamamayan sa kahirapan. At dahil tayo ang magmamana sa ganitong lipunan. Alam nating taglay ng mga kabataan ang alab na kahit sino pa ang mamagitan sa atin at sa pagpapayabong sa potensyal natin sa pagbago ng lipunan ay hindi natin ito uurungan at aatrasan, Dahil tayong mga kabataan, kahit pa sa pinakamahirap na sitwasyon na inaayawan ng marami, tayo ay hindi nagdadalawang isip.Tayo ay determinadong sumulong. Laging babagabag sa atin ang tanong na bakit. Dahil tayo ay may abilidad. At katuwang ng abiladad ay resposibilidad. Utang natin iyon sa mga lipunang humubog sa atin.
Bakit? Bakit isusulong natin ang totoong pagbabago? Dahil kaya natin, dahil ito ang tama, tayong mga kabataan ang kikilos para sa kinabukasan ng ating bayan. Dahil tayo ang pag-asa ng bayan.
Simulan natin yun sa pagbibigay ng buong kagalingan natin para sa bayan. Simulan natin sa pagtangan sa hamon ng pamumuno at isalin ang ating mga mithiin sa aksyon. Simulan natin ngayon… sa pakikilahok sa mga diskusyon, workshops, at pagkukunot ng noo para sa pagbubuo ng agenda ng mga kabataan ng Timog Katagalugan. May mithiin ang pagsama-sama natin ngayong araw hanggang bukas. Sana ay huwag itong masayang. Isa-isip ang mensahe ng parlyamento at bitbitin natin ito at ibahagi sa ating mga tahanan, paaralan, at mga komunidad. Ang pagbabago ay ang pagkakaisa natin sa mithiin at pagkilos para sa mithiing ito.
Ngayon higit kailanman, kailangan natin isulong ang totoong pulitika ng pagbabago!
#STYP2018
#TayoAngPagasa
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Things are not Easy
For quite some time, I have been pushing my emotions away, I needed to or else it would not be just me who would suffer. Time and time again...
-
Society is inherently judgmental, this is something that I have learned in the short time that I have been a sociology student. Th...
-
The new year signals renewed hope and faith, sometimes even new beginnings, a time for reinvention, a time for putting it all out there, but...
-
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng totoong pagbabago? Nabubuhay tayo sa isang mundo na araw-araw nating napapanood sa mga balita ang mga naka...
No comments:
Post a Comment